Friday, May 20, 2005

Reaksiyon sa Lecture ni Joma Sison

Sang ayon kami sa ideya ni Propesor Jose Maria Sison na ang Christianity, bourgeois liberalism at ang Marxism ay tatlo sa pinakamaimpluwensiyang factor sa paghuhulma ng kasaysayan at lipunang Pilipino. Kung tutuusin totoong ang kasaysayan natin ay kasaysayan nga ng class struggles simula pa noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol, hanggang sa panahon ng mga Amerikano at nagpapatuloy pa hanggang ngayon. Palaging nagiging ganito ang takbo ng lipunan. Maaaring universal ang pangyayaring ito sa isang banda sapagkat nasasaad sa kasaysayan ng mundo ang parehang mga pangyayari. Ang pagtatagumpay ng malalakas sa mahihina, ang pananamantala ng mga makapangyarihan at mayaman sa mga mahihirap, at ang pagdodomina ng mga marurunong sa mga ignorante at mangmang ay nangyayari sa lahat ng dako ng mundo.

Malaki ang naging bahagi ng simbahan sa pagbuo ng kasalukuyang lipunan. Hindi nagtapos ang pakikialam ng simbahan sa pagkakapatalsik ng mga prayle. Hindi napigil ang simbahan sa pakikialam sa estado. Kitang kita pa rin ang impluwensiya ng simbahan hanggang ngayon. Kahit hindi na direkta ang kanilang pakikialam kumpara noong panahon ng mga Espanyol, malaki pa rin ang nagiging impluwensiya nila sa pamahalaan. Ngunit di gaya ng mga prayle ang mga kasalukuyang alagad ng simbahan ay higit na tapat sa kani-kanilang mga tungkulin. At ikinagalak ng marami ang pangyayaring ito. Sa katotohanan ang mga pari din naman talaga ang unang mga guro ng ating lahi. Kahit papaano ay marami rin tayong natutunan sa kanila. Gaya na lang ng huwag silang tularan. Ang kanilang kasakiman ang nagpapababa sa tingin sa kanila ng mga Pilipino. At isa pa, natutunan ng mga Pilipino kung paano magsumikap sa sariling pamamaraan dahil napilitan silang sumalungat sa mga prayle. Maaring aksidente lamang ang mga ito, ngunit napakahalaga ng mga bagay na ito sa kasaysayan. Gaya nga ng sinasabi ni G. Sison, hanggang may naaapi at napagsasamantalahan ay lalo pang uusad ang pakikibaka anuman ang mangyari. Patuloy na hihingi ang mga naaapi ng katarungan, kalayaan at pagkakapantay-pantay. Kahit supilin sila ng pamahalaan o ng kahit sinong nasa kapangyarihan ay hahanap pa rin sila ng sariling paraan para harapin at solusyunan ang kanilang mga hinaing. Ang bagay na kasiya siya ay hindi na ang mga alagad ng simbahan ang nananamantala at nanunupil kundi naging kaalyado na sila ng mga mamamayan. Halimbawa na lang ang pagtulong nila sa pagtatagumpay ng mga rebolusyong EDSA.

Sa pagpasok ng mga Amerikano at ng mga makakanluraning ideya, maraming pagbabago ang naganap. Nagkaroon ng maraming improvement lalo na sa kalagayan ng edukasyon. Lumawak ang saklaw ng kaalaman na di tulad ng dati ay pinipigil ng mga prayle. Umusbong ang maraming bagong ideya at higit na nabigyang pansin ang kalayaan at karapatan ng mga indibidwal. Ngunit sa paniniwala ni Sison isa lamang itong paraan ng mga Amerikano upang tuluyang masaklaw ang maraming bansa sa buong mundo at upang mapalawak at mapalakas ang itinatatag na imperyo nito. Totoo nga naman ito, ngunit lubhang naiiba ang pamamaraan ng mga Amerikano sa panunuyo sa mga Pilipino. Tila sinusuhulan din nila ang mga ito, lamang ay hindi sa paraan ng pera kundi sa pamamagitan ng pagbibigay ng edukasyon at pangakong asimilasyon sa pagdating ng takdang oras. Sa simula pa lang ay pinilit nang hubugin ng mga Amerikano ang isipan ng mga Pilipino upang panigan sila. Marahil, sa simula pa lang ay napagtanto na ng mga Amerikano ang magiging tunguhin ng ekonomiya ng mundo kaya’t sa simula pa lang ay kumilos na ito. Unti unti silang nagpalawig ng mga kolonya at tinangkang makuha ang simpatya ng maraming bansa sa pag-asang mapapakinabangan din nila ito sa hinaharap.

Totoong patuloy pa rin ang pamamayani ng bansang Amerika hanggang ngayon. Dahil sa sila ay ang pangunahing tagapagtaguyod ng kapitalistang ekonomiya, hindi na katakataka kung maging salungat man sila sa komunismo. Kahanga hanga ang naging pagtalakay ni G. Sison kung paano minanipula ng mga Amerikano ang kaisipan ng maraming Pilipino upang tutulan ang komunismo. Sa isang desperadong hakbang, binansagan nila ang mga tagapagtaguyod ng komunismo na terorista gaya ng ginawa nila sa NPA. Matalino sila upang ipagkabit ang terorismo sa rebolusyonaryong mga kilusan gayong nagkakaiba ng malaki ang mga layunin ng dalawa.

Ukol naman sa ideya ng Marxismo, hindi talaga kami lubos na naniniwala sa kaganapan nito. Masyadong ideal and communism at masyadong komplikado na ang pagkakasangay sangay ng mga bansa dahil sa globalisayon ng ekonomiya. Meron kaming palagay na kahit maganap man ay babagsak din ang ganitong uri ng pamahalaan. Totoo at naniniwala kami sa pagkakaroon ng class struggle pero sa aming palagay ay natural lang ito sa lahat ng lipunan at pagkakataon. Isinilang na hindi pantay- pantay ang mga tao. Gayunpaman naniniwala din naman kami na lahat ay isinilang na may magkakapantay na karapatan. Kung gayon, naiiwan sa pamahalaan ang tungkuling tiyakin na ang lahat ay magtatamo ng parehang trato kahit na economic na usapin pa man ito.

Kami man ay nakikisimpatya sa lahat ng naaapi. Marami na ang naging halimbawa ng walang pakundangan na pangmamaliit at pangaalipusta ng ilang mayayamang maylupa sa mga manggagawa at magsasaka. Isang halimbawa na lang ang nangyari sa Hacienda Luisita. Totoong nakakalungkot ang ganitong mga pangyayari. Sa puntong ito, hindi naman maaaring sisihin kung ang mga tao ay maghiganti sa pamamagitan ng pagsama at pagsuporta sa armadong pakikibaka. Marahil ang dapat na sisihin ay ang pamahalaan sapagkat hinid nito dinidinig ang mga hinaing ng mga naaapi. Pero kumpara sa pangkalahatan, masyadong maliit ang pangyayaring ito upang ihambing sa pangkalahatang kalagayan ng bansa at magtawag nga ng pagbabago sa landasin ng komunismo.

Batid ng marami na natatali pa rin tayo sa kasaysayan. Tila hindi na natin malilimot ang mga bangungot ng nakaraan. Hindi natin mabubura kailanman ang mga sugat ng kasaysayan. Ito marahil ang nagbunsod sa pagpapatuloy ng mga armadong pakikibaka. Ang mga pang-aapi na natamo natin sa panahon ng mga Espanyol sa loob ng mahabang panahon ay hindi titigil sa pagmulto sa atin sa kasalukuyan. Sa isang banda ang pagkakatatag ng mga makakaliwang grupo ay nainspire marahil ng pagkakatatag ng Katipunan ni Bonifacio. Ngunit sa konsepto ng dialektiko, hindi naman masama na ikonsidera natin ang paghingi ng mga reporma sa mapayapang pamamaraan.

Naniniwala kami kay G. Sison na maaaring pagtagumpayan ang hamon ng kahirapan at pang-aapi sa pamamagitan ng mapayapang usapin sa pamamagitan ng pagtutulungan ng simbahan, ng pamahalaan, ng mga makakaliwang grupo at ng iba pang institusyong kasangkot. Saludo kami sa lahat ng panig na naghahangad ng kabutihan ng nakararaming Pilipino at tutol kami sa mga kapangahasang udyok ng mga takaw away at hayok sa dugo. Walang kahihinatnan ang bayang hindi kayang pag isahin ang sarili.